Durog Ka Pala Eh! ni JCarlo Pasigay


                       “Bunso, bumili ka nga muna doon ng paminta… yung durog ah!”, ito ang bukambibig ng  aking ina tuwing magluluto siya ng paborito kong ulam na Adobo. Buong akala ko’y binabanggit lamang ang durog sa mga ganitong usapan ngunit hindi pala. Sa panahon ngayon ang dami na nitong pinag-gagamitan. Ating alamin  ang nagbagong pagpapakahulugan sa salitang ito.
                        Maraming kahulugan ang salitang durog depende sa sitwasyon, panahon at taong gumagamit nito. Noon, ginagamit lamang ang salitang ito sa usaping pagkain na tumutukoy lamang sa mga pampalasa. Tulad ng durog na paminta, asin, cinnamon, basil, oregano at kung anu-ano pa. Ayon sa diksynaryo, ito ay nangangahulugang pira-piraso, kalas-kalas, napulbos o sa ingles powdered. Kaya’t maging ang pira-pirasong Stik-O sa pinakailalim ng garapon ay durog din ang tawag.
                        Kung ikukumpara sa noon ang sa ngayon, mapapansing malaki ang pinagkaiba. Hindi na lamang kasi ito tumutukoy sa mga pampalasa, isinasama narin ang salitang ito sa pagbibigay pakahulugan sa sekswalidad ng isang lalaki, sa transportasyon, sa pakikipagtalastasan o pakikipag-usap at siyempre, hindi mawawala ang usapang pag-ibig.
                        Sa sekswalidad, kapag sinabing ang isang lalaki ay durog, ibig sabihin ang lalaking ito ay bading, bakla, binabae, o nagkukunwaring tunay na lalaki, Karaniwang tinatawag silang mga paminta o pamintang durog. Tinatawag din silang “pamin”, na galing sa salitang paminta. Ang pamin ay mula sa “pa-men” o sa “pa-lalaki”, dahil ang mga lalaking paminta o ang mga pamintang durog ay pa-lalaki ang asta, o nagpapakalalaki kahit hindi naman talaga sila tunay na lalaki. Maging sa transportasyon may durogan na ring usapan. Kapag sinabi naman ng jeepney driver na “padurog”, ibig sabihin nagpapapalit iyon ng paper bills para gawing barya. Ang galing di ba?
                        “Durog ka pala eh!”, ito ang madalas na kantiyawan lalo na kapag gusto mong mangbasag ng mga taong kausap, o kapag may okrayan na labanan. Ito rin ang asaran ng mga magkakabarkada lalo na kung may nabasted sa nililigawan sa isa sa kanila o hindi pinapansin ng babaeng inalayan nila ng pick-up lines. Ang mga lalaking ito na nabasted, kakahiwalay palang sa karelasyon o mismong yung mga taong walang ka-date sa Valentinesay tinatawag ding “Mga Pusong Durog”.
                        Hindi lang dyan nagtatapos iyan dahil ang salitang ito ay ginagamit na rin  sa iba’t ibang larangan sa lipunan at mga pang propesyonal na hanapbuhay. Una, sa lipunan kapag sinabing “ang taong durog ang utak” isa lang ang ibig sabihin n’yan, bagong hithit ng shabu o kung anumang pinagbabawal na gamot. Maging kapag tayo’y naawa sa mga taong naghihirap, “nakakadurog naman ng puso ang mga matatandang pulubi at nanlilimos”. Nakakadurog din ng puso ang mga matatanda at batang nagtitinda sa tabi ng kalsada o sa palengke, lalo na kapag maiisip mong wala pang bumibili sa kanila.
                        Sa mga journals o sulating pang-dyaryo ay ginagamit narin ito, tulad halimbawa ng mga sumusunod:
MANILA, Philippines - Siniguro ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia na nadurog na niya ang korapsyon sa PSC dahil sa ipinapatupad niyang transparency. (PHILIPPINE STAR)
Kelot durog sa trailer truck sa Cagayan- DUROG ang isang lalaki nang masagasaan ng trailer trak sa Cagayan kaninang umaga. (REMATE)

Sa medisina, ang durog ay tumutukoy sa mga butong may fracture mula sa isang aksidente o kalunos-lunos na pangyayari. Durog na buto sa mukha, binti, paa, kamay, at sa iba pang parte ng katawan. Iba pang halimbawa sa paggamit nito:
  1. 1.      Sa mga taong nasaktan: Durog na durog na ang puso ko sa panloloko mo.
  2. 2.      Sa paggawa ng recipe: Kailangan niyo ng isang bawang, durog na paminta at basag na itlog.
  3. 3.      Sa pakikipag-usap: Hindi mo ba alam? Durog ka pala eh!
  4. 4.      Sa pakikipag-away: Babangon ako at dudurugin kita.
  5. 5.      Sa paggawa ng mga slogan: Sa droga durog ang buhay mo, sa Diyos ayos ang buhay mo!
                        Bilang konklusyon, sa paglipas ng panahon, maaring gamitin ang isang salita sa mga dapat nitong pakibagayan. Tulad nalang ng salitang durog, hindi na lamang ito ginagamit sa usaping pang-pagkain at pampalasa ngayon pwede narin ito sa iba’t ibang larangan. Ang balbal o islang ngayon ay ang nagiging pamantayan sa paggamit ng mga salita sa isang wika ng mga partikular na grupo sa lipunan. Tinatawag man itong salitang kanto, salitang panlasangan o mga salitang nabuo o nalikha sa impormal na paraan at mga salitang nabuo sa mga pinag-sama-sama o pinagdugtong na salita na maaaring mahaba o maikli lamang, napapaunlad naman nito ang mas maayos at makabuluhang pag-uusap ng bawat tao.

Mga Komento

Kilalang Mga Post