REAKSYON SA IKATLONG SONA NG PANGULONG NOYNOY


REAKSYONG PAPEL:


                       “Report sa Boss ko”, kung pamagatan ito ng ilang personalidad sa ikatlong State Of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Iba’t ibang antas ng buhay ng mga Pilipino ang tumutok at nakinig sa bawat sambiting ulat, hangarin, pasasalamat at pagmamalaki ng ating kasalukuyang pinuno. Magkakahalong opinyon man ang naglabasan, may mga natuwa, nakulangan o nag-agam-agam, iisa pa rin ang mensaheng nais iparating ng bawat SONA ng mga Presidente ng bansa. Ito ay ang hamon sa gobyerno at bawat Pilipino na paunlarin pa ang Pilipinas sa darating pang mga taon.
                        Buong pagmamalaking inilahad ng Pangulo ang mga nagawang proyekto ng kanyang administrasyon para sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, dagdag na trabaho, transportasyon, enerhiya, turismo, pangkapayapaan at iba pa. Kaliwa’t kanan rin ang mga binitawang hangarin at pangako ni PNoy, tulad ng pagkamit sa pagkakaroon ng kumpletong pasilidad sa health care units, pagnanais na magkaroon ng 1:1 ratio sa pagitan ng libro at estudyante bago matapos ang kanyang termino, pagdaragdag ng higit na armas at mga kagamitan para sa ating sandatahang lakas; LRT Line 1, NLEX at SLEX Connector, para maibsan ang bigat ng trapiko sa Las Piñas, Parañaque at Cavite, maging pagpapaunlad sa NAIA 3 at ang pagdaragdag ng mga paliparan at istasyon ng bus .
                        Kung pakikinggan, pawang magaganda naman ang mga nagawa at ninanais na proyekto ng Administrasyong Aquino para sa bansa. Ngunit kung muli nating babalikan at susuriin ay tila marami pa ring katanungan ang dapat na sagutin. Una na rito ay ang tungkol sa Freedom of Information Bill na hindi man lamang nabanggit kahit isang beses sa kanyang talumpati. Ani Leonor Briones, dating National Treasurer, ng siya’y kapanayamin ng isang News Anchor, “Kung tayo ang boss niya, kailangan natin ng impormasyon, sila ang ating alipin”. Isa kasi ito sa pangunahing bunga kung bakit napatalsik sa puwesto si dating Chif Justice Renato Corona. Magbibigay sana ito ng higit na kapangyarihan sa mga mamamayan para sa pangako at isinusulong na transparency ng pamahalaan ngunit magpasa-hanggang ngayon wala parin itong matibay na sandalan.
                        Sunod ay ang kakulangan ng hakbangin upang mapadami pa ang oportunidad ng trabaho. Patuloy ang pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo at sa mga bokasyunal na kurso ngunit hindi parin nagbabago ang maliliit na bilang ng trabaho na maaaring pasukan ng mga bagong graduate na mga mag-aaral. Pangatlo, maging ang lumalalang kondisyon ng buhay ng mga mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa merkado ay tila nawaglitan sa SONA ng pangulo. Ngunit sa kanyang mga sinabi, patuloy raw ang pagtaas ng ekonomiya ng bansa. Kung gumaganda nga ang lagay ng ekonomiya, bakit hindi pa rin ito nararamdaman ng ordinaryong mamamayan?
                        Kung iisipin marami pang butas na dapat bigyang pansin sa kanyang SONA. Sa aking punto de vista, pinakaayaw ko ay ang bahagi na kung saan pinasasaringan niya ang nakaraang administrasyon. Sa tuwing nababanggit niya ang mga “napagtagumpayan ng kanyang administrasyon” ay lagi na lamang niya itong inihahambing sa nakalipas na panunungkulan. Ang tanong: Bakit pa? Para saan pa?  Hindi ba nakakasawa ng pakinggan sa mga balita na lagi na lamang niyang pinariringgan ang mga kaalyado ng dating pangulo. Bagaman ang pangunahing layunin ng kanyang pamumuno ay ang pagsupil sa korapsyon, tila ba sa kanyang mga pinagsasabi ay ang dating administrasyon lamang ang may sala na katulad nito. Hindi bat ang nararanasang probema natin sa kasalukuyan ay bunga ng matagal na proseso na nakatala sa ating kasaysayan at hindi lamang likha sa loob ng halos isang dekada ng panunungkulan?  Bakit hindi na lang kaya ituon ang mga oras na ito sa pagbibigay atensyon sa mga suliranin ng bansa sa halip na patuloy na pakialaman ang imahe ng nakaraang admistrasyon.
                        Kung tutuusin, marami talagang problema ang kinakaharap ng bawat naging pinuno ng ating bansa ngunit hindi malaking pasanin kung maging Pilipino ay makikiisa at tutulong rin. Ang bawat hamon sa atin ng kapalaran ay nararapat na pasanin ng bawat isa at bigyang solusyon ng sama-sama.

Mga Komento

Kilalang Mga Post