"Bawat Buhat ng Isang Kargador" (Ang Kwento ni Carlito Pasigay)
"Bawat Buhat ng Isang Kargador"
Sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas, kahit anong hanapbuhay ang ating matagpuan ay agad natin itong papasukan at susunggaban. Ganyan ang mga Pinoy. Para kasi sa atin, hindi na baleng mapagod huwag lang kumalam ang sikmura. Kumbaga, “mabuti ng mamatay sa kapaguran, huwag lang mamatay sa kagutuman”. Kaya naman ang ilang maralitang Pilipino, may mang-alok lang ng trabaho (masama man o mabuti) gustong-gusto ng magsimula. Isa sa pangunahing dahilan kung bakit naghahanapbuhay ang tao ay upang magkapera. Sa simpleng pagsusulat, pagguhit, pag-awit at pati narin pagsasayaw, pera na agad iyan. Alam niyo ba na maging ang simpleng pagbubuhat o pagpasan ay binabayaran narin? Oo, ito ang nag-iisang gawain ng kargador o porter na sa isang buhat mo lang, “Ikabubusog mo na”.
Parami na ng parami ang mga kargador sa ating bayan. Hindi rin naman natin masisi ang ilan na pumasok sa ganitong klase ng trabaho. Isa lamang kasi ito sa mga hanapbuhay na madaling pasukan. Kung saan hindi mo na kailangang makipagsiksikan sa pila sa mga Job Fair ng pamahalaan at mag-obligang magpasa ng mga requirements. Sa ganitong trabaho hindi mo narin kailangang gumawa ng Bio-Data, kumuha ng Police Clearance at gumastos para sa iyong medical certificate. Ang tanging mahalaga lang ay dapat malakas ang iyong pangangatawan at kaya mong magbuhat kahit gaano pa ito kabigat.
Unang nakilala ang mga kargador sa mga piyer. Sila yung nagdadala ng mga bagahe ng ilang pasahero papasok sa barko. Kung noon, mano-mano ang pagbubuhat ng mga bagahe na kung saan, tanging lakas ng braso lamang ang gamit upang makapagbuhat. Sa kasalukuyang panahon, hindi na. Mayroon na ngayong mga kariton na gawa sa bakal na ginagamit ng bawat kargador sa mga piyer. Sa tulong nito mapapadali ang kanilang pagkakarga at maraming bagahe na ang mailalagay at makakarga sa isang dalahan lamang. Ngunit hindi lamang sa mga piyer may kargador, sa katunayan mayroon rin sa mga pabrika at ang mas alam ng bawat tao ngayon, yung mga kargador sa palengke.
Pasan dito, pasan doon, yan ang araw-araw na gawain ng isang kargador. Mahirap sa ating paningin at masakit sa ating damdamin. Bakit? Dahil maraming mahihirap ang nagtitiis at nagpupursigi para lang kumita ng pera. Sa bigat ng mga kargadang kanilang binubuhat hindi nila ito iniinda basta magkaroon lang ng makakain ang kanilang pamilya. Sa totoo lang, walang magiging kargador, kung walang taong tamad. Halimbawa na lang sa Pamilihang Panlungsod ng Muntinlupa, may ilang mamimili na nagtatawag ng kargador para ipakarga ang kanilang naipamili. Minsan pa nga’y ipinapahatid nila sa kanilang bahay yung mga produktong binili nila (sobrang katamaran). Pero walang magagawa ang isang kargador, binabayaran lang naman kasi sila. Kaya kahit anong iutos sa kanila gagawin nila. Swertehan na lang talaga sa kustomer na makukuha nila. May galante kasi kung magbayad ngunit ayon sa kaibigan ng aking ama na kargador din, mas marami nga daw ang kuripot. Binabayaran sila ng eksakto sa sinisingil nila. Pero mas mabuti na raw yun kaysa naman hindi sila bayaran.
“Bawat buhat ay pera”, yan ang motto ni Kuya Chito. Isa naming kapitbahay na naghahanapbuhay sa palengke ng Muntinlupa at pinagkakakitaan ang pagkakarga. Gumagamit naman siya ng kariton para mapadali ang kaniyang trabaho. Ayon sa kanya sa matagal na taon ng kanyang pagbubuhat kahit minsan hindi pa raw siya nakakaranas na kumita ng lampas isang libo kada araw. Bakit nga ba? Dahil nga sa bawat buhat, kadalasan dalawampung (20) piso lang ang ibabayad sa iyo. Maliit na halaga, kung kaya’t nararapat lang na magbuhat ng buong araw nang sa gayo’y kumita ng malaki-laki. Kahit gaano kadaming tao ang gustong magpakarga ng kanilang mga naipamili , pagsasabay-sabayin niya raw ito magkaroon lang ng malaking kikitain sa araw na iyon.
Walang taong hindi nagkakasakit, alam naman natin iyan. Wala ring taong hindi napapagod, alam rin natin iyan. Lalo na siguro kung ang trabaho mo’y kasing hirap tulad nito. Ngunit sa ating nakikita kahit hirap na hirap na ang ilang kargador sa pagbubuhat, hindi parin sila sumusuko. Ano nga kaya ang kanilang motibasyon para pumasok sa hanapbuhay na ito? Si Beverly “Bevs” dela Cruz kaibigan ng ate ko sa Tanay, Rizal. Isinalaysay niya ang magandang bunga ng pagtatrabaho ng kanyang ama bilang kargador. At ayon sa kanya,“hindi ko talaga lubos maisip kung paano namin nalampasan ang lubhang kahirapan ng buhay... anim kaming magkakapatid... noong mga panahong iyon, dalawa kami ng ate ko na nasa kolehiyo, tatlo sa high school at isa sa elementarya.... wala naman trabaho ang nanay ko at sya lang kasi ang talagang umaasikaso sa amin...isa lang ang kumakayod sa amin noon...ang tatay ko bilang isang kargador sa palengke... magkano ba ang kinikita ng isang kargador sa palengke upang lakas-loob nyang pag-aralin ang anim na anak ng sabay-sabay... ito ang pagkakataon na gusto kong ipagmalaki sa buong mundo... na kahit magkanda-kuba na siya sa kakatrabaho, pinilit niya na igapang kami para lamang makapagtapos... at sa kanyang pagpapanaw, may kwento akong maibabahagi at maipagmamalaki sa buong mundo at sa magiging anak ko...na ako ay pinagtapos hindi ng mayamang tao kundi ng isang marangal na kargador, isang ama na may paninindigan, pagmamahal at mataas na pangarap para sa kanyang anak....”. Si Ate Bevs ay isa ng manager ng isang Restaurant sa Tanay. Naging inspirasyon niya ang sipag at pagtitiyaga ng kanyang ama sa pagtatrabaho. Isang aral ang kanyang napulot mula sa kaganapang iyon. Ang aral na, “hindi dapat ikahiya ang hanapbuhay bagkus ipagmalaki at ipagsigawan na dahil dito ikaw ay nabuhay”. Na kung saan, sa isang simpleng pagbubuhat, maari paring maging maunlad ang buhay ng isang pamilya.
Sa paningin at pananaw ng ilan, mahirap daw ang maging kargador. Bakit ni minsan ba’y hindi niyo naranasan ang magbuhat?. Kalokohan. Sa isang araw bawat isa sa ati’y nagiging kargador. Kung iisipin niyong mabuti, tama ba? Halimbawa, sa pagpasok sa eskwelahan, bubuhatin mo ang iyong bag at dadalhin sa inyong silid aralan. Pag mamimili sa palengke at di gaanong kabigat, atin itong kakargahin pauwing bahay. Parang trabaho lang ng isang Porter, magkakarga at ihahatid sa dapat hatiran. Ngunit iba nga ang kalagayan ng isang porter kumpara sa ginagawang pagbubuhat ng ordinaryong taong tulad natin. Gaano nga ba kahirap ang maging isang kargador, lalo na kung nasanay kang ibang tao ang nagbubuhat ng dalahin mo? May isang blog akong nabasa na kung saan inilarawan niya ang hirap na naranasan at sakit ng katawan na natamo nang masubukan niyang maging isang kargador. Nakalagay sa kanyang post na, “Kaka-punas ko lang ng katawan kong nanlilimahid sa dumi at pawis. Imaginin mo yung mga kargador sa pier na pawisan at madungis, ganun ako kanina. Kargador na naman ako today since walang kargador sa warehouse kundi si Riki na Mexicano at hindi niya kayang buhatin at isampa sa 18 wheeler truck lahat ng 300 na kahon na 20-40 kilos ang bigat kada piraso. Oo. Medyo mabigat siya pramis. Noong una kayang kaya ko pa eh. Ayus! sabi ko sa sarili ko. Exercise! May paraan para lumaki ang maskels at baka sakaling may dumampot na chicks sa akin habang naglalakad pauwi. But no! Noong mga naka kalahati na ako ng nabubuhat at naisasampa sa truck, tinigasan ako sa ibaba. Tumigas ng todo ang mga hita ko. Una ang left hita, tapos pagkaraan ng ilan pang buhat, boom! Right hita naman. Takte ang sakit lang ng cramps. So tumigil muna ako saglit at hinilot hilot ang mga hita at inistretch sila.” (Samjuan.com-August 14, 2008)
Mula rito mahihinuha natin na ang pagiging porter ay napakadelikado sa kalusugan ng isang mamamayan. Pwede kang mabalian ng buto o mapilayan lalo na kung patuloy mong bubuhatin ang isang bagay na mas mabigat pa kaysa sa iyo. Totoo, mahirap ang maging kargador. Sa halip na tawagin natin itong pagbabanat ng buto, mas mabuti pa sigurong bansagang “trabahong nagbabali ng buto”.
Ang aking ama ay isang kargador noon. Hindi lingid sa aking kaalaman na hindi rin ganoon kalaki ang kanyang kinikita ngunit masasabi kong sapat pa ito upang makaraos kami sa buong araw. Hirap ang kaniyang nararanasan sa bawat kargadang kaniyang pinapasan. Kung kadalasa’y mayroong araw na hindi siya makapagtrabaho dahil narin sa sakit ng katawan at tinatamaan ng trangkaso.Nakakalungkot isipin na sa kabila ng kanilang nararanasan ay parang hindi patas ang pagbabayad sa bawat isa sa kanila. Biruin mo ba naman na sa isang palangganang isdang iyong bubuhatin o hihilahin ay nagkakahalaga lamang ng tatlo hanggang limang piso (3-5), depende nalang kung galante ang iyong amo. May ilan kasing amo na kapag matagal na ang nagtatrabaho sa kanila, ayun pa mismo ang pinapaburan at binibigyan ng mataas na bayad. May patas rin naman daw kung minsan, pero naiisipan lang ng amo na magbigay ng mataas na halaga kapag ang isa niyang trabahante ay may problema sa bahay at baon na sa utang. Kakatawa, hindi ba? Pero iyan ang realidad na dinanas ng aking ama ng siya’y maging kargador. Hirap, lungkot at pasakit. Ngunit hinding hindi nga raw mawawala ang kasiyahan. Bakit? Kasi nga dahil na rin sa hanapbuhay na ito naitaguyod at napag-aral kami ng aking ama sa abot ng kanyang kinaya. Nakaipon kami ng salapi para makabili ng brand new tricycle. Nakapagpagawa ng isang mas matibay na kariton na ipinapa-boundary ng aking ama sa mga kargador ng palengke na gusting gumamit nito. Kagalakan ang aking nadarama pag naiiisip kong umunlad ang aming buhay ng dahil sa hanapbuhay na ito.
“Sa pagbubuhat maraming pwedeng masakripisyo”, ayon sa aking ama. Maaring mayurakan ang iyong pagkatao sa isang simpleng pagkarga mo ng mga pinamili. Kadalasan kasi may mga ilang produktong nilalaman ng iyong kinakarga ay nawawala. Sino pa nga ba ang masisisi? Natural ang huling humawak ng iyong kagamitan. Natatangi at nag-iisang masisisi ay ang mga kargador. Kalimitan pa naming nagiging suki ng aking ama ay mga kababaihan. Ayon na rin sa kanyang karanasan, masyado nga raw silang mabunganga na para bang alam na nila ang dapat gawin sa pagkarga. Dinidiktahan lahat ng kinikilos ng mga kargador. Kulang nalang sila ang maging kargador. Alam na pala nila ang gagawin, bakit kailangan pang ipabuhat sa iba ang pinamili nila? Tapos kapag nawalan ng kahit isang binili isisisi lahat sa mga porter. Ayaw man lang nilang isipin yung kanilang pananagutan na kailangan nilang ingatan at bantayan lahat ng mga pinamimili nila at marapat lang na wag iasa lahat sa kargador. Bukas pa sa isipan ng aking ama yung araw na pinagkamalan siyang magnanakaw ng isang ale na mukhang maykaya sa kanyang pananamit. Pagkahatid na pagkahatid pa lang sa bahay ng ale, tiningnan niya muna ang lahat ng pinamili niya kung naroon pa ito, siguro para sa paniniguro na hindi siya dinadaya at nanakawan ng kargador. Nang kanyang mapansin na kulang ng isang buong manok yung kanyang pinamili, agad-agad niyang kinompronta ang aking ama. Nagulat siya at nasindak sa ginawang paninigaw ng ale. Kahit alam niyang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng isang buong manok na kasama sa pinamili ng kaniyang pinagsilbihan, hinayaan niya muna itong pumutak ng pumutak hanggang sa magsawa ito sa kakadakdak. Pagkatapos ng ginawang pagpapahiya ng ale sa aking ama, agaran naman niyang ipinagtanggol ang kanyang sarili. Sinabi niya na wala siyang kasalanan at dinugtong na baka kasalanan ito ng pinagbilhan niyang tindahan. Baka kulang ang naibigay sa kanya at hindi niya nasuri kung tama ang binigay sa kanya. Isa kasi sa mga gawain ng kargador na i-check ang laman at bilang ng mga produktong ipinamili ng kanilang pinagsisilbihan.
“Masdan mo si manong tila natutulala
Tiningnan palang ang bubuhatin, napagod na yata
"Hay buhay!" sa sarili kanyang sinalita
Lustay muna ang katawan bago ka kumita”
Ang litratong nasa kaliwa ang nagpapakita na ang mga kargador ay napapagod rin. Kaya sinasabi ng iba na “walang taong hindi napapagod”. Minsan tinititigan nalang nila ang kanilang mga bubuhatin upang makalimutan ang problema. Kumbaga, bago sila kumilos may mga bagay muna silang aalalahanin, nang sa gayo’y magkaroon sila ng inspirasyon bago sila magkarga ng napakabibigat na kagamitan o kargahin. Biruin mo ba naman sa bigat ng mga karton-kartong mga produktong nakalagay sa isang truck ilan lang kayong magbubuhat. Madalas pang pag kulang ng trabahante dalawa hanggang tatlo nalang ang nagtutulong-tulungan sa pagkarga papasok sa dapat hatiran ng mga ito.
Hirap nga ang dinaranas ng bawat kargador, ngunit hindi natin sila masisisi sa paghahanapbuhay ng ganitong paraan. Ngunit bakit nga ba kinakahiya ito ng nakararami?
Nagtanong-tanong ako ng ilang mga estudyante. Ginamit ko ang larawang nasa kanan at akin silang tinanong sa kung ano ang masasabi nila sa lalaking nagkakarga ng mabigat na kagamitan at kung ano ang pakiramdam nila kung sila ang nasa kalagayang ito?
Maraming nagsagot na kahanga-hanga ang mga taong kayang magsilbi at ipagkarga ng mga bilihin ang mga taong pagod o kaya’y tinatamad magbuhat. Meron din naming nagsabi na nakakahiya ang magtrabaho ng ganyan at kahit kailan daw hindi nila hahayaang bumagsak lang ang buhay nila sa pagiging kargador ng palengke. Hindi daw kasi sila pumapasok at nag-aaral sa paaralan para lang maghirap at maging porter bandang huli. Ano pa nga daw ba ang silbi nang edukasyong natamo nila kung sa ganitong hanapbuhay o trabaho rin sila pupulutin.
Bawat buhat ng isang kargador ay mahalaga. Napakahalagang ingatan at wag hayaang pabayaan. Hindi dahilan ang ganitong hanapbuhay para hindi ka makaangat sa buhay. Isipin natin yung mga taong umunlad ng dahil sa pagsisipag at pagtitiyaga sa ganitong trabaho. Mabuti ng magkaroon ng marangal na hanapbuhay kaysa sa mas matinding hanapbuhay na puro kasamaan ang nais. Lagi nating tatandaan na wala tayong dapat ikahiya, dahil hindi natin alam na baka sa isang simpleng paraan ika’y maging matagumpay. Parang kargador na sa isang pagkarga may katumbas na parusa o halaga. Ngunit mabuti ng tawagin itong halaga, na kung saan magbibigay pag-asa sa mahihirap na pamilya.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento