“Pagbabawal ng Plastic sa Muntinlupa: Ikinatutuwa ng Madla” ni JCarlo Pasigay
“Pagbabawal ng Plastic sa Muntinlupa: Ikinatutuwa ng Madla”
Buwan ng setyembre, taong 2009, nang may isang bagyo ang nagdaan sa ating bayan. Bagyong sumira sa mga kabahayan, kumitil sa buhay ng ilan nating kababayan at higit sa lahat, sumira sa ating pinagkukunang yaman. Sa kanyang pananalanta, malawakang pagbaha ang kanyang ginawa. Mga pook na sinalanta, kaawa-awang muntik ng mabura sa mapa ng bansa. Nakakaalarma’t nakakabigla. Ito ang karaniwang reaksyon ng bawat kabataan at matatanda. Meron ba tayong dapat sisihin sa mga nangyayari sa mundo maliban sa tao? May magagawa pa ba tayo bilang isang mamamayang Pilipino?
Tapon dito, tapon doon, iyan ang hilig gawin ng bawat indibidwal sa modernong panahon. Kalat dito, kalat doon, maling kaugalian na umiiral sa bansa natin ngayon. Ngunit alam ba natin ang masamang dulot ng mga basura sa ating kapaligiran? Ang bawat basura na ating tinatapon ay nakakapagpabara sa mga kanal na dinadaanan o dinadaluyan ng tubig sa panahon ng baha. Ayon naman sa pagsusuri, karamihan sa mga basurang nakita ay mga “plastic bags”. Plastic bags na ginagamit ng bawat mamamayan upang makapamili sa merkado.
Lungsod ng Muntinlupa, isa sa mga lungsod sa Kalakhang Maynila na labis na naapektuhan ng pagbaha. Lalo na’t ang ilang Barangay rito ay isa sa mga lugar na mababa. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Muntinlupa ay napaliligiran ng anyong tubig. Kaya nang dumating at manalanta ang bagyong Ondoy sa Pilipinas, hindi nakaligtas ang NCR sa nangyaring pagbaha. Iba’t ibang klase ng tao ang nakaranas sa malakas na paghagupit nito. Maging mga artista, pulitiko, manunulat at iba pang personalidad ay naranasan rin ito. Nangangahulugan lamang ito na walang pinipili ang kalamidad kahit ano pa mang antas meron ka sa buhay. Ngunit marami pa namang pwedeng magawa ang tulad nating mamamayan.
Ang mga plastic ang siyang pangunahing dahilan ng mga pagbaha sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan. Ito ang lumabas sa naging pag-aaral na isinagawa ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na ang nagiging sanhi ng mga pagbaha ay ang mga itinatapong plastic sa mga estero, ilog at lawa partikular na ang Pasig River at ang Laguna de Bay. Kaya’t bilang Pilipino ating alamin ang perwisyong dulot ng plastic sa ating Inang Kalikasan. Laging isaisip na sa kabila ng maitutulong nito, may kalakip pa rin itong problema sa tao.
Isang ordinansa ang naipasa ng ating mahal na Alkalde Aldrin San Pedro. Ordinansang nagbabawal sa paggamit ng plastic bags sa mga “Dry goods” at limitahan ang paggamit nito sa pamilihang panlungsod. Isang simpleng paraan, pero malaki ang kanyang kahalagahan. Sa aking napapansin, wala ng Muntinlupeno ang gumagamit ng plastic sa pamimili. Ang ilan ay may kanya kanya ng bayong at bag kapag namimili sa pamilihan. Masayang isipin na isa ang Lungsod ng Muntinlupa sa tumutulong upang mabawasan ang paglaganap ng polusyon sa Pilipinas. “Bring Your Own Bag/Bayong” ang dapat sundin ng bawat isa sa atin. Hindi lang dapat matatanda ang sumunod sa panukalang ito, dahil bilang estudyante mayroon tayong malaking papel kung paano natin magagawang matagumpay ito. Hindi lamang sana natin ito isagawa ng sa sarili lang natin bagkus ating ipalaganap sa loob at labas ng Lungsod natin.
Ikinatutuwa ng lahat ng Muntinlupeno, ang naisagawang ordinansang ito. Sa tulong kasi nito mas nagkaroon sila ng matatag na paniniwala na sa isang simpleng pagbabawal sa plastic, ay nawawala na ang kanilang pangamba. Pangamba na kapag muling nagkabagyo masisira ang buong pangkabuhayan at ang kabahayan ng ilan. Sa dami nga ng mga namatay noong bagyong Ondoy, hindi masisisi ang ilan na mag-isip na baka maulit ang nangyari noong 2009. Siguradong sa pamamagitan naman ng ordinansang ito ay kahit na magkabaha man, mas mapapabilis na ang paghupa ng baha sa Lungsod ng Muntinlupa.
Ang kalikasan ay hiram lamang natin sa Panginoon. Kung kayat wag nating pabayaan at sirain bagkus patuloy na pagyamanin at alagaan. Isang huling salita ang nais kong banggitin na, “KUNG MUNTINLUPA NGA MAY NAGAWA, PILIPINAS PA KAYA?”
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento